Panawagan sa aking mga kapwa Pilipino sa darating na eleksyon

Hindi ko po ipagpipilit sa inyo kung sino sa palagay ko ang dapat ninyong ihalal sa darating na eleksyon. Bagamat meron lang po akong ipapakiusap sa lahat ng boboto sa Mayo 13…

Wag po sana tayo magpadala sa mga kandidato na ilang beses nang nangako at nagbigay ng huwad na pag-asa sa atin.

Wag po sana tayo maging kuntento na pumili sa isang kandito dahil lamang sa kasikatan o kagandahan ng itsura.

Hindi kailanman magiging sukatan ng pamununo at katapatan ang galing ng pagsayaw o pagkembot ng isang kandidato sa entablado at sa telebisyon.

Wag po sana magpauto sa mga trapo na limpak-limpak kung gumastos at mamigay ng pera para sa pangangampanya. Alam naman natin kung paano nila babawiin ang gastos nila oras na maupo na sila sa pwesto.

Iba naman po ang piliin natin.

Wag po tayo magpadala o mauto sa matamis na pananalita. Lumang estilo na nila yan. Hindi pa ba tayo nagsasawa at nauumay sa ganyan?

Suriin po natin kung sino talaga ang tapat at may tunay na sinseridad. Pakinggan muna natin sa pagkakataong ito ang utak at puso; hindi ang agarang sigaw ng butas na bulsa.

Tama na ang pagboto ng paulit-ulit sa iisang kandidato tuwing sasapit ang eleksyon dahil lamang “nakasanayan niyo na sila.” Asal ng tamad po yan.

Iba naman po.

Hindi po sapat ang agarang pagtanggap ng ₱300-500 para lamang isugal ang kinabukasan natin tuwing darating ang eleksyon. Ang panandaliang ginhawa na yan, kapalit ay taon-taong paghihirap at pagkalugmok.

Sa darating na eleksyon, gamitin naman po natin ang ating puso, intuwisyon, at angking talino. Wag tayo magpadala sa agarang pangangailangan ng kumakalam na tiyan. Sa ganung paraan, mas makakamtan natin ang tunay at pangmatagalan na ginhawa.

Marami tayong mga kandidato na bukal sa puso ang malasakit, pagmamahal, at katapatan, ngunit hindi nakikilala dahil nalulunod sa ingay ng sikat at masalapi na kalaban. Kilalanin po sana natin sila at sila naman po ang bigyan natin ng pagkakataong magsilbi sa bayan at sa bansa.

Parang awa na po sa ating bansa at sa kinabukasan ng mga anak natin, iba naman.

Dahil kung hindi magiging wasto ang ating panunuri at paghalal ng mga bagong pinuno, kung ano man ang lugmok at hirap na dinaranas ng Pilipino ngayon at sa darating na mga taon ay nararapat lamang sa atin.

Mabuhay po ang Pilipinas.

Mabuhay ang matalino, makabayan, marangal, at mapanuring Pilipino. ❤️🇵🇭

Leave your comments

comments

Panawagan sa aking mga kapwa Pilipino sa darating na eleksyon was last modified: May 9th, 2019 by Chuckie Dreyfus